ROXAS CITY – Pahirapan umano ang mga barangay sa Region 6 sa mga requirements ng Regional Oversight Committee upang maideklarang drug-cleared barangay.
Ito ang inihayag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Director Alex Tablate sa panayam ng Bombo Radyo Roxas.
Ayon kay Tablate na sa kabuoang 4,051 na mga barangays sa rehiyon, 1,829 pa lamang ang naideklarang drug-cleared barangay ng ahensiya.
Base sa datos ng ahensiya, 235 na mga barangay pa lamang sa lalawigan ng Aklan ang naideklarang drug-cleared; 357 sa Antique; 159 sa Capiz; 52 sa Guimaras; 976 sa Iloilo province maliban pa sa apat sa Iloilo City at 45 naman sa Negros Occidental maliban pa sa isang barangay sa Bacolod City.
Aminado si Tablate na nababagalan rin ito sa proseso ng pag-deklara bilang drug-cleared sa isang barangay dahil sa mga requirements.
Dahil dito ay puspusan ang kanilang Community-Based Rehabilitation Program at Wellness and Recovery Program sa mga drug surrenderees upang tuluyan nang masawata ang ilegal na droga sa rehiyon.