CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga otoridad ang isang security guard matapos masamsaman ng mga baril, granada at mga bala sa kanyang bahay at matuklasang may kinakaharap pang kasong robbery sa lalawigan ng Isabela,
Ang suspek ay kinilalang si Ramon Monte, 28, No. 2 most wanted person sa provincial level, at residente ng Purok 1, Brgy. Banquero, bayan ng Reina Mercedes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PLt. Col. Arthuro Marcelino, pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Isabela, isinilbi laban kay Monte ng mga operatiba ang warrant of arrest na inilabas ni Judge Ferdinand Dalpig ng 5th MCTC, Naguilian-Reina Mercedes, Isabela dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591.
Bukod dito ay natuklasang may isa pang warrant of arrest na mula sa Regional Trial Court Branch 60, 3rd Judicial Region sa Angeles City si Monte sa kasong robbery.
Sa paghahalughog ng mga operatiba sa bahay ng suspek ay nasamsam ang ibat-ibang uri ng baril na kinabibilangan ng na-disassemble na .45-caliber; isang .38-caliber; isang .38-caliber replica; granada; mga bala ng shotgun .22-caliber; .38-caliber; at isang improvised airgun.
Ayon kay Marcelino, ang suspek ay dinala sa CIDG-Isabela para sa booking at arrest procedures bago ipasakamay sa court of origin.