CAGAYAN DE ORO CITY – Nasampahan na ng patung-patong na kasong kriminal ang nasa halos 30 suspected criminal personalities na unang naaresto nang pinag-isang operasyon ng pulisya sa ilang bayan sa Lanao del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Lanao del Sur Provincial director Col Rex Derilo na ang naarestong mga indibidwal ay nasangkot sa umano’y kasong drug trafficking, murder at krimen sa nabanggit na lugar.
Sinabi ni Derilo na ang paglunsad nila ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) ay naka-desinyo upang tugisin ang mga personalidad na mayroong kinaharap na mga malalaking kaso.
Dagdag ng opisyal na kabilang sa nakumpiska ng kanilang tropa mula mga suspek ay ang limang M-16 rifles, caliber .30 garand rifle, M1 carbine rifle, uzi machine pistol, limang caliber .45 at .38 revolver.
Nakumpiska rin ang anim na rifle grenades, dalawang 40 MM grenades at P1.7-million halaga na pinaghihinalaang shabu.