Namataan ang presensiya ng mga barko at chopper ng China sa kasagsagan ng joint drills ng Pilipinas, Amerika at Canada sa West Philippine Sea.
Sa isang statement, kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) public affairs office chief Colonel Xerxes Trinidad na mayroong mga barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN), isang oceanographic surveillance vessel at isang helicopter ang na-monitor mula sa distansiya ng isinasagawang aktibidad.
Ayon sa opisyal, hindi nakialam ang Chinese vessels at chopper kayat nagpatuloy ang pagsasanay gaya ng plano.
Tinutukoy ng opisyal ang ika-7 Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) na isinagawa nitong Miyerkules.
Ayon naman kay AFP chief General Romeo Brawner Jr. ang naturang pagsasanay ay pagpapakita ng kolektibong commitment para palakasin ang regional at international cooperation bilang suporta sa malaya at bukas na Indo-Pacific.
Sa panig naman ng China, nauna ng dinipensahan ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun ang presensiya ng kanilang mga barko sa exclusive economic zone ng PH at nanindigang fully justified ang pagsasagawa ng China Coast Guard ng patroliya at law enforcement activities sa naturang mga katubigan alinsunod umano sa batas.