-- Advertisements --

Binuntutan at pinalibutan ng 2 barko ng China Coast Guard ang mga bangka ng mangingisdang Pilipino na sumusuporta sa maritime operation na isinasagawa ng PCG at BFAR sa bisinidad ng Rozul Reef.

Ayon kay PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela nangyari ang naturang insidente noong Huwebes Abril 4.

Aniya, nasa 25 fishing boats ang nagboluntaryong umalalay sa BRP Cabra ng PCG at BRP Lapu-Lapu ng BFAR sa paglalagay ng floating aggregate devices o payao sa bisinidad ng Rozul Reef nang buntutan at palibutan sila ng mga barko ng CCG na may tail number 21551 at 21556 at nagsagawa ng mapanganib na maniobra.

Ang mga barkong ito ng CCG din ang karaniwang humaharang sa resupply mission ng PH sa Ayungin shoal.

Sa kabila nito, matagumpay pa rin na nailagay ng mangingisdang Pilipino ang mga payao na ginagamit para sa pangingisda na makakatulong para maparami ang huling isda.

Ang Rozul reef ay tinatayang nasa 128 nautical miles mula sa Palawan sa loob ng 200 nautical mile ng exclusive economic zone ng PH.

Matatagpuan ito sa dulong timog ng Recto Bank sa northeastern portion ng Kalayaan Island Group sa Palawan.

Ang Recto Bank ay patuloy na inaangkin ng China na parte umano ng kanilang teritoryo sa kabila pa ng ruling ng international tribunal sa The Hague noong 2016 na ito ay parte ng exclusive economic zone ng PH.

Ang Recto Bank na tinatawag ding Reed bank ay sinasabing sagana sa malawak na reserba ng langis na tinatayang nasa 165 million bariles at 3.4 trillion cubic feet ng natural gas