Nakaambang harangin nanaman ang panibagong resupply mission ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre sa gitna ng napaulat na namataang barko ng China Coast Guard sa may Panganiban reef o Mischief reef nitong nakalipas na araw.
Ito ay base sa inilabas na impormasyon ng US maritime security expert na si Ray Powell.
Nakatanggap din ng kaparehong ulat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at nakahanda naman ang kasundaluhan ng
PH sakaling maulit ang water cannon incident habang isinasagawa ang resupply mission.
Inihayag ni AFP chief of staff General Romeo Brawner na haharangin umano ng iba’t ibang barko ng China ang resupply mission ng bansa kabilang ang kanilang coast guard kasama ang kanilang fishing vessels, maritime militia upang ilihis sila palayo ng Ayungin shoal.
Sa kabila nito, sinabi ng AFP chief na oobserbahan ng militar ang tolerance o pagtitimpi at hindi mag-retaliate o higanti sakaling maka-engkwentro ng agresibong aksiyon. Bagamat mayroon din aniyang water cannon ang mga barko ng PH hindi aniya ito gagamitin panlaban sa halip ay para sa pagsagip ng buhay gaya ng insidente ng sunog sa isang barko.
Una rito, base sa ibinahaging post online ng US maritime security expert, inaasahang sasama ang Chinese coast guard ship 3303 na dumating sa may Mischief reef sa pagharang sa susunod na resupply mission ng PH sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal kasama ang kanilang maritime militia na aktibo ding nasa lugar.