-- Advertisements --

Dumami nanaman ang bilang ng mga barko ng China na namataan sa West Philippine Sea.

Base sa data mula sa Philippine Navy, naispatan mula Hunyo 4 hanggang 10 ng kasalukuyang taon ang kabuuang 146 na barko ng China sa 8 maritime features ng ating bansa.

Kabilang dito ang 108 na Chinese Maritime Militia vessels, 22 People’s Liberation Army Navy (PLAN) vessels, at 16 na China Coast Guard vessels (CCGV).

Ang bilang na ito ng mga barko ng China ay mas dumami pa kung ikukumpara sa na monitor na 125 na Chinese vessels mula noong Mayo 28 hanggang Hunyo 3.

Karamihan sa mga ito o nasa 50 barko ng china ang nakaangkla sa Ayungin shoal na 105 nautical miles ng kanluran ng Palawan at nasa loob ng exclusive economic zone ng PH.

Na-detect din ang 42 barko sa Pag-asa island at 33 sa Scarborough shoal.

May iba pang mga barko ng China ang namataan sa Kota Island, Likas Island, Lawak Island, Panata Island, at Sabina Shoal.

Inamin naman ni PH Navy spokesperson for the West PH Sea Comm.Roy Vincent Trinidad na hindi na sila nagugulat pa sa presensya ng mga barko ng China sa lugar, subalit nanindigan na hindi dapat na umaaligid ang mga dayuhang barko doon dahil ang naturang karagatan ay nasa loob ng EEZ ng ating bansa.