Nagsagawa ng shadowing ang isang barko ng China Coast Guard kasama ang dalawang Chinese maritime militia vessels at naglayag sa paligid ng isa sa pinakamalaking barko ng PCG na BRP Teresa Magbanua habang nasa Escoda o Sabina Shoal batay sa pinakahuling monitoring ng US maritime security expert Ray Powell.
Idineploy nga ng Philippine Coast Guard ang BRP Teresa Magbanua para subaybayan ang umano’y paggawa ng mga artificial island sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng pagtatambak ng mga durog at patay na corals.
Ayon pa kay Powell, mas malapit na sa BRP Teresa Magbanua ang mga barko ng China nitong mga nakalipas na araw.
Saad pa nito na mukhang interesado ang mga ito sa ginagawa ng BRP Teresa Magbanua sa naturang karagatan at sinusubukang takutin ito.
Ang naturang shoal nga ang pinakamalapit sa Palawan na nasa exclusive economic zone ng Pilipinas. Kayat nakakaalarma ayon kay Powell ang pagtatangka ng mga barko ng China na mag-ari sa naturang karagatan.
Samantala, inihayag ni Powell na ang paglalagay ng BRP Teresa Magbanua sa Sabina Shoal ay isang magandang hakbang dahil dumarami ang bilang ng mga Chinese vessel sa lugar.
Kung ano man aniya ang binabalak ng mga ito, malinaw na hindi umani nila gusto ang ideya na nasa Sabina shoal ang BRP Teresa Magbanua para magmanman sa kanilang mga aktibidad.