Iniulat ng Philippine Navy na mas kakaunti ang namataang mga barko ng China sa West Philippine Sea sa pinakabagong resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Ayon kay PN spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, naobserbahan sa rotation and resupply mission (RoRe) noong Enero 24 ang 2 warships ng People’s Liberation Army-Navy, 5 barko ng China Coast Guard at 2 barko ng Chinese maritime militia.
Aniya, ito ay malayo mula sa pinakamataas na naitalang bilang ng mga barko sa kasagsagan ng resupply mission na nasa 46 na barko ng China noong Disyembre 2023.
Base sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang isinagawang RoRe mission noong Biyernes ay ang ikalimang RoRe sa BRP Sierra Madre kasunod ng Bilateral Consultation Mechanism sa pagitan ng PH at China.
Ang naturang kasunduan ay ginawa matapos ang pinakabayolenteng insidente sa pinagtatalunang karagatan noong Enero 17, 2024 kung saan naputulan ng hinlalaki ang isa sa mga PH Navy personnel na si Seaman First Class Jeffrey Facundo.