Nakatanggap ng panibagong pangha-harass mula sa China ang mga barko ng Pilipinas sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ito ay matapos na bombahin ng Water cannon ng mga barko ng China Coast Guard ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa kasagsagan ng ikinakasa nitong Maritime patrols sa bahagi ng katubigang malapit sa Bajo de Masinloc shoal.
Ayon kay PCG spokesperson for the WPS Commo. Jay Tarriela, kahapon naganap ang naturang insidente kung saan bago pa ito ay nagsagawa muna ng dangerous maneuvers at obstruction ang apat na mga barko ng CCG at anim na barko ng Chinese Maritime Militias.
Sa ulat, direktang tinamaan ng Water cannon ang starboard astern ng BFAR vessel, bukod dito ay ginamitan din ng dalawang barko ng CCG ng kanilang jey stream water cannon ang mga barko ng PCG mula sa magkabilang gilid na nagdulot naman ng pinsala sa rehas at canopy ng naturang sasakyang pandagat.
Ayon Kay Tarriela, ang pinsalang ito ay nagsisilbing katibayan na malakas ang pressure ng tubig na ginamit ng China sa kanilang pinakabagong pangha-harass sa mga barko ng ating bansa.
Bukod dito ay naglagay din aniya ng floating barrier ang CCG sa lugar na may habang 380-meter na sumasakop naman sa buong bukana sa BDM Shoal na naglilimita sa access ng mga Pilipino sa naturang lugar.
Samantala, sa kabila ng panggigipit at mapanuksong aksyon ng Chinese Coast Guard, kapwa nanindigan ang PCG at BFAR vessels at ipinagpatuloy ang kanilang maritime patrol kasabay ng pagtiyak na hindi sila mapipigilan at magpapatuloy sa pagsasagawa ng kanilang mga lehitimong operasyon upang suportahan ang mga mangingisdang Pilipino at matiyak ang kanilang kaligtasan.