-- Advertisements --

Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito paalisin ang mga barko ng Pilipinas na nagpapatrolya sa West Philippine Sea.

Sa ikalawang bahagi ng “Talk to the People” kagabi na inere ngayong araw, iginiit ni Pangulong Duterte na ayaw niya ng away o giyera sa China, kaya mabuting irespeto nila ang isa’t isa.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na kahit katiting na pulgada ay hindi niya paaatrasin ang mga barko ng bansa na nasa Pag-asa Island at Mischief Reef, patayin man daw siya ng China at kahit pa dito matapos ang kanilang pagkakaibigan.

Umaasa na lamang ang pangulo na maiintindihan siya ng China dahil kung hindi ay magkakaroon talaga ng problema.

Samantala, pormal na iniimbitahan ni Pangulong Duterte sa susunod niyang “Talk to the People” sa Lunes si dating Senate President Juan Ponce-Enrile.

Sinabi ni Pangulong Duterte na malawak ang kaalaman at karanasan ni Enrile dahil sa simula pa lamang ng pag-init ng usapin sa West Philippine Sea ay naroon na ito at nasaksihan ang mga diskusyon.

Ayon pa sa pangulo, iginagalang niya at bilib siya sa talino ni Enrile sa ano mang usapin.

Umaasa ang pangulo na tatanggapin ni Enrile ang kanyang imbitasyon kung saan makikinig na lamang siya at hindi na magsasalita.