-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – May naidulot na positibong bagay ang pandemya at community quarantine sa panahon ngayon sa mga tao bilang isang komunidad.

Ito na marahil ang online barter trade na patok ngayon sa social media na Facebook.

Dahil kasi ng mahigpit na panuntunan sa mga shopping malls lalo na sa lungsod, lumitaw ang barter system na hindi na bago sa kulturang Pilipino.

Halimbawa na rito ang Kidapawan Barter Community group at Midsayap Barter Community sa Facebook kung saan iba’t ibang produkto ang maaaring i-post kapalit ang nais nilang ka-swap na item.

Kabilang na rito ang mga damit, gamit sa bahay, laruan, sapatos,gadgets, gamit sa kusina at maging mga halaman, gulay at prutas, na maaaring hindi na mapapakinabangan ng may-ari pero may silbi pa rin sa iba.

Ang barter system ay ginamit noong unang panahon kung saan ang isang produkto ay ipagpapalit sa kapwa produkto

Sa sistemang ito, walang kahit na anumang pera o barya ang kasama sa pagpapalitan ng produkto.

Samantala, muli namang nagpaalala ang mga otoridad na ugaliin pa rin ang pagsusuot ng face mask at ipatupad pa rin ang minimum health protocol kahit anumang aktibidad ngayong may banta pa rin ng coronavirus disease 2019.