-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Bawal na ulit ang paglabas o pamamasyal ng mga bata dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Aklan.

Binalaan ni Aklan governor Florencio Miraflores ang mga magulang na huwag munang dalhin ang mga anak sa mga malls at pampublikong lugar, lalo na ang mga may edad 12-anyos pababa dahil karamihan sa mga ito ay hindi pa nabakunahan laban sa deadly virus.

Nagpatupad ng mas mahigpit na restrictions ang lokal na pamahalaan ng Aklan sa ilalim ng Alert Level 2 hanggang Enero 15 gayundin sa dumaraming kaso ng Omicron variant sa National Capital Region.

Kasabay nito, hinikayat ni Miraflores ang mga LGUs na pansamantalang isara ang mga playground at amusement parks sa kani-kanilang lugar upang mabawasan ang pagkalat ng kaso ng COVID-19.

Ang Aklan ay may 199 na bagong kaso mula Marso 27, 2020 hanggang Enero 10, 2022 batay na datos na ipinalabas ng Aklan Provincial Epidemiological and Surveillance Unit.