Binigyang-diin ni dating health secretary at House Deputy Majority Leader Janette Garin na dapat mabakunahan ang mga bata kontra Hepatitis B upang maiwasan ang liver cancer outbreak sa 2042.
Ayon kay Garin kapag nahawa ng Hepatitis B at hindi bakunado, nasa 30 percent mag progress ang Hepatocellular Carcinoma, isang nakakamatay na type ng Liver Cancer.
“Kasama doon sa bumagsak ay ang Hepatitis B kasi kasama ‘yan sa mga bakuna na ibinibigay ng gobyerno. Ano ang consequence nito? Ang epekto nito ay doon sa mga batang hindi nabakunahan at nahawa ng Hepatitis B. Pagdating ng 2042 to 2045 ay posibleng magkaroon ng maraming liver cancer or Hepatocellular Carcinoma sa Pilipinas dahil sa mga unvaccinated children against Hepa,” pahayag ni Garin.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang Hepatitis B ay isang malubhang sakit na dulot ng isang virus na umaatake sa atay at ang bakuna laban dito ay maaaring gamitin sa lahat ng edad.
Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang World Health Organization (WHO) sa bilang ng mga namamatay na may kaugnayan sa hepatitis, na may average na 3,500 kada araw noong 2022.
Inirerekomenda ang bakuna lalo na sa mga sanggol, bata, o kabataan na wala pang 19 taong gulang na hindi pa nabakunahan.
Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang kumakatawan sa two-thirds ng global disease burden ng Hepatitis B at C, ayon sa 2024 Global Hepatitis Report ng WHO.