Marami ang nababahala dahil sa lumalagong bilang ng mga kabataan na dinadala sa ospital sanhi ng coronavirus-related inflammatory syndrome na kapareho ng Kawasaki disease.
Base sa bagong pag-aaral at clinical experience ng mga eksperto, malinaw itong patunay na hindi ligtas ang mga menor de edad sa pagkakaroon ng coronavirus.
Posible rin daw gawing basehan ang kanilang pananaliksik upang pag-isipan ng mabuti ng mga estado na muling buksan ang mga eskwelahan at day care centers.
Ayon kay New Jersey State Health Commissioner Judith Persichilli, kasalukuyan nilang iniimbestigahan ang nasa 18 kaso ng inflammatory syndrome sa mga batang 3-18 taong gulang.
Batay din sa isa pang research ay 48 kabataan ang itinakbo sa pediatric intensive care unit dahil sa COVID-19 sa buong Estados Unidos.
Halos 118 bata naman mula New York at New Jersey ang positibo sa Kawasaki disease na maaaring magdulot ng mataas na lagnat, rashes, sakit ng tiyan, low blood pressure at heart, liver o kidney failure.