BEIRUT – Kumitil ng buhay ng 15 sibilyan, kasama na ang anim na mga bata at sanggol, ang nangyaring serye ng mga air strike sa hilagang-kanlurang bahagi ng Syria.
Ayon sa Syrian Observatory for Human Rights, karamihan sa mga bata ay kasama ng mga sibilyan na napatay nang sinalakay ng Russian aircraft ang isang informal camp kung saan nananatili ang mga internally displaced Syrians.
Ang kampo malapit sa bayan ng Khan Sheikhoun sa Idlib region ang naging temporaryong tahanan ng mga Syrians na lumikas sa Hama province dahil sa mga pag-atake.
Samantala, ilang oras matapos nito, napatay naman umano ang isang lalaki at ang buntis nitong asawa sa bayan ng Kefraya sa Idlib dahil sa air strikes na isinagawa ng hindi pa tukoy na air craft.
Tumambad na lamang daw sa mga White Helmets volunteers ang mga labi ng patay nang babae at ng kanyang sanggol na nakahimlay sa tabi ng nakabuka nitong tiyan.
Sinabi pa ng Observatory, tatlong sibilyan kasama ang isang bata ang napatay ng artillery fire sa hilaga ng lalawigan ng Hama.
Sa datos ng Obervatory, nasa 590 sibilyan na ang napatay sa air strikes na inilulunsad ng Russian at Syrian forces sa Idlib. (AFP)