Mga bata pa rin ang pangunahing nabibiktima ng paputok ilang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon batay sa pinakabagong datos na inilabas ng Department of Health.
Ayon sa ahensya, sumampa na sa 69 na kaso ng firecracker-related injuries ang naitala ng kanilang ahensya mula Disyembre 22.
Nasa 58 na kaso nito ay pawang mga bata na may edad 19 anyos pababa.
Kabilang sa biktima ay ang isang batang babae na nasugatan ang kamay at naputukan ng ilang daliri matapos na naputukan ng 5-star na paputok.
Una nang itinaas ng Department of Health ang code white alert simula noong Disyembre 21 na ang ibig sabihin ay handa na ang mga ospital sa mga mabibiktima ng paputok ngayong holiday.
Naghanda na rin ang mga ospital ng mga kagamitan na siyang gagamitin sa pagresponde sa naturang mga kaso.
Kinabibilangan ito ng mga surgical gloves, sutures, saws, at bone cutters.