Mariing kinondena ng mga batang kongresista ang mga nasa likod ng deepfake video na nagpapakita sa pag-utos umano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga sundalo na umaksyon laban sa China.
Ayon kay Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo, ang deepfake video ay pagpapatunay na desperado ang oposisyong kalaban ni Pangulong Marcos, na epektibong gumaganap sa kaniyang trabaho bilang pinuno ng bansa.
Sinabi ni Dimaporo hindi ito dapat isawalang bahala dahil isa itong seryosong usapin dahil isa itong pananabotahe sa foreign policy ng Pangulo.
Ayon naman kay Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario na nakakabahala ang deepfake video at ginagawa ng mga kinauukulang mga ahensya ng pamahalaan ang abot ng kanilang makakaya hinggil dito.
Aniya,magsasagawa ang Kamara ng masusing imbestigasyon hinggil sa usapin upang malaman ng sambayanan, at kung papaano mapoprotektahan ng mga mamamayan ang kanilang sarili laban sa mga deepfakes.
Sinabi ni Almario, na siyang vice chairman ng Committee on Information and Communications Technology na ang pananatili ng deepfake video ay dahil sa patuloy na paglaganap ng teknolohiya tulad ng artificial intelligence.
Nangako si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na kanyang susuportahan ang anumang inisyatiba mula sa ehekutibo o lehislatura na gawing malaliman ang pag-imbestiga sa usapin ng deepfake.
Ayon kay Adiong, ang mga sangkot sa deepfakes ay hindi lamang sumasabotahe sa Pangulo, kungdi binabastos din ang bawat Pilipino.