-- Advertisements --

Mga batang posibleng may dengue, nagpakonsulta sa Bombo Medico 2019 sa Legazpi City

LEGAZPI CITY — Umaasa ang isang ina na hindi dengue ang dahilan nang pabalik-balik na lagnat ng kanyang tatlong-taong gulang na anak mula sa Barangay Cruzada, Lungsod ng Legazpi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Geraldine Reblando, sinabi nitong isang linggo nang pabalik-balik ang lagnat ng anak maliban pa sa iniinda nitong sipon.

Ayon kay Geraldine, nababahala siyang baka may dengue ang kanyang anak lalo pa at marami ang naitatalang dengue cases sa kanilang barangay.

Kasama rin ng ina ang kanyang panganay na anak na limang-taong gulang at anim na buwang sanggol naman na mayroon ding lagnat.

Maliban kina Geraldine, umaasa naman ang ina ni Natalie Toledo, 3-taong gulang ng Barangay Bogtong na mabibigyan sila ng gamot na pang-maintenance para sa sakit nitong pneumonia.

Samantala, pinakabata sa mga benepisyaryo ng Bombo Medico 2019 ang isang dalawang buwang sanggol mula sa Sto. Domingo, Albay na may sipon at ubo.