ILOILO CITY – Nadagdagan pa ang mga bayan sa Iloilo na apektado ng atangya o rice black bugs.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mr. Ryan Rasgo, chief ng Regional Crop Protection Center ng Department of Agriculture Region 6, sinabi nito na kabilang sa mga bayan na inatake ng mapaminsalang peste ay ang Calinog, Janiuay, Cabatuan, Pototan, Dingle, Concepcion, at Banate.
Ayon kay Rasgo, kung pagsamahin ang lawak ng palayan sa nasabing mga bayan na apektado ng atangya, umaabot na ito sa 80 ektarya.
Itinuturing rin anya ito bilang paunang babala para sa susunod na regular cropping season.
Sa ngayon anya, may ipinamimigay ang ahensya na biological control agent na Metarhizium anisopliae na isang berdeng amag na umaatake sa Rice Black Bug sa pamamagitan ng mga berdeng espora o spores.
Ito ay maka-kalikasan, madaling paramihin at ligtas pa sa tao at mga hayop.