-- Advertisements --

ILOILO CITY – Hindi pa rin humuhupa ang tubig baha ang ilang mga bayan sa Iloilo kasunod ng walang-tigil na pagbuhos ng pag-ulan dala ng low-pressure area at inter-tropical convergence zone.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Daniel Pijuan, spokesperson ng National Irrigation Administration sa Western Visayas, sinabi nito na nagpakawala tubig ang pitong floodgates sa Jalaur Diversion Irrigation Dam o Moroboro Dam sa Barangay Moroboro, Dingle upang mabawasan ang pressure kasunod ng pagtaas ng lebel ng tubig sa naturang dam.

Ayon kay Pijuan, kailangan nilang buksan ang mga floodgates ukon hindi masira ang dam.

Samantala, as of press time, halos 30 na mga bayan sa lalawigan ang naiulat na nakaranas ng pagbaha na karamihan ay nasa central part ng Iloilo.

Sa Passi City na siyang component city sa probinsya, umabot sa critical level ang Jalaur River at may portion rin kagabi ng national highway sa Barangay Man-it na hindi na maaaring madaanan ng mga motorista.

Kaugnay nito nagkansela na rin ng pasok ang mga paaralan sa 20 mga bayan sa Iloilo.

Maging sa Iloilo City, kanselado rin ang lahat ng pasok mula pre-school hanggang senior High School.