Iginiit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kasama pa rin ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.
Paglilinaw ito ni DSWD spokesperson Irene Dumlao matapos mapaulat na tanggal na umano ang mga benepisyaryo ng 4Ps sa mabibiyayaan ng P5,000 hanggang P8,000 emergency subsidy program.
Ayon kay Dumlao, humingi raw siya ng klaripikasyon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles at nilinaw sa kanya na wala nang lalagdaang Social Amelioration Card form ang mga 4Ps beneficiaries.
Una nang inihayag ni Nograles, na siyang tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, na hindi na umano kasama ang 4Ps beneficiaries sa nasabing program.
Sinabi pa ni Dumlao, naglabas na raw ang gobyerno ng P16.3-billion na emergency subsidy para sa 3.7-milyong benepisyaryo ng 4Ps.
Una nang sinabi ng DSWD na maliban sa mga 4Ps beneficiaries, nasa 260,000 nang mga low-income households sa National Capital Region (NCR) ang nakinabang sa SAP.
Ang low-income households sa NCR ay inaasahang makatatanggap ng P8,000 emergency subsidy, habang minimum subsidy na P5,000 ang matatanggap naman sa nasa pitong rehiyon sa bansa.