-- Advertisements --

COTABATO CITY – Pinaalalahanan ng Ministry of Social Services and Development- Bangsamoro Government ang publiko na walang kontrol sa kahit na anong programa ng nasabing ahensya ang mga kumakandidato ngayong halalang pambarangay at sangguniang Barangay ngayong taon.

Ang mga programa na kagaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino o 4P’s, Social Pension para sa mga nakakatanda, livelihood assistance at iba pang programa ng ahensya ay di maaring gamitin sa pageenganyo ng mga pulitiko upang makuha ng boto sa publiko.

Mariin pang sinabi ng ahensya, ang MSSD ay ahensya ng Bangsamoro at hindi partido pulitikal o partisano. Ayon pa sa ahensya, di dapat gamitin na panakot ng mga kandidato na sila ay tatanggalin sa listahan ng mga proyekto kung di sila susuporta sa mga kandidato na ito.

Wala ding kontrol ang mga kandidato sa pagpili, pagberipika at pagtanggal ng benepisyaryo sa mga programa ng ahensya. Ayon pa sa ahensya, ang mga pagbabanta, pananakot at pwersahang pageenganyo ng mga botante sa pamamagitan ng mga programa ng ahensya ay may karampatang parusa at paglabag sa batas.

Ayin sa MSSD, malayang makakapili ng mga iboboto ang publiko at dapat wag matakot sa mga banta ng iilang politiko. Patuloy din ang pagaabot ng tulong ng MSSD sa lahat ng mga nangangailangan at kwalipikado na benepisyaryo anuman ang kulay sa pulitika o saan man nakabilang na partido.