ILOILO CITY – Nagpalabas na ng relief order si Fire Chief Jose Embang laban sa mga high ranking officials ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region 6 na lumabag sa quarantine protocol at nag party sa Antique at Boracay kasama ang isang firewoman na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo Fire S/Insp. Stephen Jardeleza, tagapagsalita ng BFP Region 6, sinabi nito na pito sa 28 mga personnel ng ahensya ang unang sinibak sa pwesto.
Samantala, nakatakda namang ilabas ang relief order ng iba pa na lumabag sa quarantine protocol kasama na si dating BFP Region 6 Director Fire S/Supt. Roderick Aguto.
Ayon kay Jardeleza, ang nasabing mga high-ranking officials ay pansamantalang ipinadala sa national headquarters ng BFP.
Samantala, ni-relieve din sa puwesto bilang Provincial Fire Marshall ng Negros Occidental si Fire S/Supt. Pamela Candido na maybahay ni incoming BFP Region 6 Director Fire S/Supt. Jerry Candido at inilipat sa Region 7.