Nilinaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang pinirmahan nitong letter of intent para bumili ng mga bagong kagamitang pandigma mula sa isang kompanya ng nagbebenta ng mga armas sa China ay hindi bahagi sa $14 milyon grant na una ng ipinagkakaloob ng Beijing sa Pilipinas dahil hiwalay ito sa kasunduan.
Binigyang-diin ni Lorenzana na hindi siya naniniwala na maapektuhan ang pagsasanay at doktrina ng kasundaluhan sa mga sandatahang nakatakdang bilhin sa China.
Aniya, halos pareho na ang mga weapons o armas ngayon at pwede umano i-tailor made yung mga requirement ng Pilipinas.
Inihayag din ng kalihim na wala umano siyang nakikitang masama o mali sa balak ng gobyernong pagbili ng armas sa China sa kabila ng isyu sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.
Dagdag pa ng kalihim na dapat hiwalay na isyu ang alitan sa teritoryo sa ibang transaksyon ng Pilipinas sa China gaya ng firearms deal.
Ayon kay Lorenzana, nasa $14 million na halaga ng armas at military equipment ang iniaalok na ibenta sa Pilipinas.
Iginiit naman ng kalihim na compatible ang mga nasabing armas sa equipment o teknolohiya ng Pilipinas dahil gumagawa ang China ng “military hardware” na pasok sa NATO agreement.