BAGUIO CITY – Pinatunayan ng isang residente ng La Trinidad, Benguet na miyembro umano ng isang sindikato at large-scale scammers ang nagpakilalang si alyas “Bikoy” na si Peter Joemel Advincula na nasa serye ng mga videos na pinamagatang “Ang Totoong Narcolist.”
Ayon sa source ng Bombo Radyo Baguio na isa sa mga naging biktima ni Advincula, nagtungo sa Baguio City ang grupo ni Advincula para magtayo ng isang paaralan ng kolehiyo sa Outlook Drive noong 2007.
Kasabay aniya ng pagpapatayo sana ng paaralan ay naghanap ang grupo ni Advincula ng mga magsisilbing staff at mga empleyado.
Aniya, sa loob ng isang taon ay nangolekta umano si Advincula ng tig-P150 mula sa mga aplikante nito kapalit ng magandang trabaho sana ng mga ito sa itatayong eskwelahan.
Sinabi ng source na ipinapangako pa raw ni Advincula sa mga biktima nito na may share sila sa maibabalik na ill-gotten wealth ng pamilya Marcos.
Aabot aniya sa higit 600 na mga katao sa Benguet at Baguio ang nabiktima ng sindikato ni Advincula kung saan sila ang nagbigay ng pera imbes na sila ang maswelduhan.
Hawak nito ang kopya ng kasong ipinila ng mga biktima laban kay Advincula na sa panahong nanloloko sa Baguio ay nahaharap ng anim na bilang ng criminal cases.
Umaasa pa sila na mahuhuli na si Advincula para malaman ang katotohanan sa mga nasabing videos.
Maaalalang inilabas na ng isang korte sa Benguet ang warrant of arrest laban kay Advincula dahil sa kasong estafa.