CAGAYAN DE ORO CITY – Nakalabas na ang karamihan sa mga kabataan na unang tinamaan ng outbreak matapos kumain nang pinaniwalaang kontaminado ng bakterya na pagkain at tubig sa Cedar Resort, Barangay Impalutao, Impasug-ong, Bukidnon.
Ito ay matapos unang nakaranas ang mga biktima nang pagsusuka, pananakit ng tiyan, pagkalagnat at pagbabawas ng dumi habang nasa kasagsagan ng 8th National Youth Convention ng Seventh Day Adventist Reform Movement sa nabanggit na lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Dr Henry Legazpi, chief of hospital ng Bukidnon Medical Center na sa 139 na pasyente na naisugod sa kanilang pagamutan, nasa 11 na lamang ang nananatili na patuloy na binibigyan ng medikasyon.
Inihayag ni Legazpi na nakarating na rin sa Department of Health – Manila ang water sampling at rectal swab na kinuha mula sa mga biktima upang alamin ang tunay na sanhi kung bakit nalason ang mga biktima.
Tanging ikinagalak lamang ng local health experts na agad naagapan ang outbreak at walang kahit isa na nasawi sa mga biktima.
Magugunitang ito na ang pangatlong pagkakataon na nagkaroon ng convention ang grupo subalit unang beses itong nakaranas ng outbreak.
Napag-alaman na nasa mahigit 1,000 ang mga partisipante ng kanilang pagtitipon kung saan ilan pa rito ay mga banyaga na nagmual sa iba’t ibang bahagi ng bansa.