Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng karagdagang labing-isa (11) na fireworks-related injuries.
Dahil dito, umakyat na sa 52 ang bilang ng mga biktima ng paputok base sa surveillance ng kagawaran.
Sinabi ng ahensiya na ang kasalukuyang kabuuang bilang ay tumaas ng 30 porsyento, mas mataas kumpara sa 40 kaso na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Iniulat na mula sa Western Visayas at National Capital Region ang pinakamaraming bilang ng mga nasugatan na may tig-11 kaso.
Sumunod ang Bicol Region na may anim na kaso.
Apat na kaso ang bawat isa ay naitala sa Ilocos Region, Central Luzon, at Soccsksargen.
Tatlo ang nasugatan sa Central Visayas, habang tig-dalawang kaso ang naiulat sa Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa, at Davao Region.
Isang kaso naman ang naitala sa Cordillera Administrative Region.
Sa 52 na kaso, 45 ay lalaki.
Ang ilegal na paputok na boga ay nanatiling pangunahing sanhi ng mga pinsala, na kinasasangkutan ng 18 kaso.
Pitong kaso ay dahil sa five-star, anim na kaso dahil sa paggamit ng super lolo, apat na kaso dahil sa whistle bomb, at tatlong kaso dahil sa kwitis.