-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nananawagan ngayon ng tulong ang mga residente ng Diversion Road sa Barangay Pating sa lalawigan ng Masbate matapos matupok ang kanilang mga kabahayan sa pagsiklab ng sunog kagabi.

Maaalala na habang abala ang karamihan sa paggunita ng Biyernes Santo ay nagkaroon ng malaking sunog sa naturang lugar na naging sanhi ng pagkaabo ng ilang mga kabahayan.

Nabatid na mabilis na kumalat ang apoy kaya halos hindi na naisalba ng apektadong mga residente ang kanilang mga ari-arian.

Kabilang sa mga ipinapanawagan ng mga biktima ay mga damit, malinis na inuming tubig, pagkain at iba pa.

Samantala, pansamantala namang nanatili ang mga apektadong residente sa mga evacuation centers.

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng mga otoridad ang sanhi ng naturang sunog habang hindi pa batid kung ilan ang kabuuang pinsala na iniwan nito.