-- Advertisements --

Patuloy na nadadagdagan ang nasa 12 hanggang 13 taong gulang na mga babaeng bata na di umano’y biktima ni Pastor Apollo Quiboloy na lumalapit sa PNP para ibinunyag kung paano sila sekswal na inabuso ng pastor.

Sa pulong balitaan kanina dito sa kampo krame, inihayag ni PNP Spokesperon PCol. Jean Fajardo na batay sa isinalaysay ng mga biktima, inihahanda umano sila o may preparations bago sila pinapapasok sa kwarto ng pastor.

Pinipili ang scent o pabango na gagamitin nila, may mga nakaschedule rin umano sa kanila bawat araw para makipagtalik sa pastor. Pagkatapos umano silang gamitin ni Quiboloy ay sinasabihan silang “pure” pa rin sila o intact pa rin ang pagkababae nila dahil ispirito ng Diyos ang nakipagtalik sa kanila.

Tinakot din umano ang mga biktima na sa oras na magsumbong sila ay hahabulin sila ng anila’y “Angels of death”

Ayon pa sa mga bata, alam ng mga magulang nila na miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang pang-aabuso sa kanila ng pastor.

Tiniyak ng PNP na mananagot ang mga magulang o miyembro ng KOJC na mapapatunayang inialay ang kanilang mga menor de edad na anak para makipagtalik kay Pastor Apollo Quiboloy.

Sa salaysay kase ng mga biktima na lumapit sa pulisya, ang alay o pagpayag ng kanilang magulang ay sinasabing “passes to heaven” dahil ito ay pagsisilbi umano sa Diyos.

Samantala, sa panig naman ng legal counsel ni Quiboloy, inihayag ni Atty. Mark Tolentino, na planted lang daw ang mga nagsisilitawang biktima ng pastor.

Sa pagkakakilala niya raw kay Quiboloy, hindi nito magagawa ang mga alegasyon sa kaniya. “Kilala ko si pastor hindi lang bilang abogado kundi bilang kaibigan. Mabait si pastor, very humble.“