Aabot ng P20 milyon ang natanggap ng mga biktima sa nangyaring aksidente sa bahagi ng Skyway Extension project site sa Cupang, Muntinlupa noong Nobyembre 21.
Sa isang pahayag, sinabi ng San Miguel Corp. (SMC) na ang tulong pinansyal na ito ay ibiniay sa naiwang pamilya ng namatay na biktima at walo pang indibidwal na sugatan sa naturang aksidente.
Ang nasabing halaga ay bukod pa sa medical at iba pang gastos na sinagot ng Skyway project contractor na EEI Corp.
Labis umano na naapektuhan si SMC president at COO Ramon Ang dahil sa iniwang dulot ng insidente sa mga apektadong indibidwal. Wala aniya silang tigil sa pag-iisip kung paano makakatulong sa mga biktima, bukod pa sa tulong na ibibigay ng kanilang contractor.
SMC ang concession holder ng Metro Manila Ksyway sa pamamagitan ng mga infrastructure projects ng San Miguel. Ito rin ang proponent ng Skyway Extension project.
Subalit kahit EEI Corp ang may hawak sa naturang proyekto ay naglabas pa rin ng public apology si Ang at nangako na ibibigay nito ang kailangan ng mga biktima.
Kung maaalala, nawalan ng balanse ang isa sa mga crane ng EEI dahilan upang tumama ito sa steel girder na direkta namang bumagsak sa mga sasakyan na nasa kalsada.
Malaking halaga ng tulong pinansyal na ito ay mapupunta para sa long-term support sa pamilya ng namatay na biktima na si Edison Paquibot.
Kwento pa ni Ang, nakausap niya mismo ang asawa ni Paquibot at personal itong nangako ng tulong para sa edukasyon ng nag-iisa nilang anak hanggang sa makatapos ito ng kolehiyo.