-- Advertisements --

Nilinaw ni PNP chief Gen. Debold Sinas na mga bayolenteng quarantine violators lang ang papaluin ng yantok ng mga pulis, imbes na bumunot ng baril.

Ito aniya ang ibig sabihin ni Deputy Chief for Operations Cesar Hawthorne Binag nang kanyang sabihin na ang yantok na dala ng mga social distancing patrollers ng PNP ay pwedeng pamalo sa mga quarantine violators.

Ang paglilinaw ay ginawa ng PNP chief matapos sabihin ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque na bawal na paluin ng yantok ang quarantine violators.

Paliwanag pa ni Sinas, pinagamit nila ang mga yantok sa mga pulis dahil naubusan na sila ng batuta, at mas naangkop ang haba nito para panukat sa isang metro na social distancing requirement ng quarantine protocols.

Una nang sinabi ni Sinas na ang paggamit ng mga social distancing patrollers ng batuta at yantok ay para ma-“minimize” ang physical contact ng mga pulis sa mga tao, para narin maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Inaasahan kasi aniya na magdadagsaan ang mga tao sa mga mall at iba pang pampublikong lugar, at nais din ng PNP na pangalagaan ang kaligtasan mula sa sakit ng kanilang mga tauhan na naka-assign sa mga lugar na ito.