-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinaghihinalaan ng Philippine National Police Academy (PNPA) na nagmula sa mga bumibisita sa akademya ang coronavirus na kumalat sa mga kadete at personnel nito na nagpositibo sa COVID-19.

Ibinahagi ni PNPA spokesman Lt. Col. Byron Allatog ang nasabing hinala bagama’t hindi pa nila nadidiskubre ang pinagmulan ng virus na dumapo sa mga kadete at personnel ng akademya.

Maaalalang umakyat sa 243 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa akademya kasunod ng isinagawa nilang mass testing.

Gayunman, tiniyak naman nito sa mga magulang ng mga kadete ng PNPA na nagpositibo sa COVID-19 na maayos ang paggaling ng mga ito mula sa nasabing sakit.

Aniya, lahat ng mga nagpositibong kadete ay asymptomatic kaya mabilis ang paggaling ng mga ito kasabay ng kanilang pag-quarantine sa mga isolation at quarantine facilities ng akademya.

Sapat din aniya ang personnel ng akademya na tumututok sa lahat ng mga kadete para masiguro ang proteksyon ng mga ito laban sa COVID-19.

Nagpapatuloy din ang online classes at eksaminasyon ng akademya habang suspindido ang ibang aktibidad ng paaralan kung saan aabot sa 11,000 face masks at 27,000 face shields ang ipinamahagi sa mga personnel at kadete.

Isinara ang PNPA hanggang Setyembre 30 at bago ito buksang muli ay magsasagawa ang akademya ng swab testing sa lahat ng mga kadete at personnel.