CAGAYAN DE ORO CITY – Apektado maging ang mga pasahero mula Hilagang Mindanao na mayroong mga biyahe papunta sa ilang pangunahing lungsod ng Visayas region at Maynila dahil sa epekto ng bagyong Kristine na nagbigay ng seryosong danyos sa malaking bahagi ng Luzon.
Kinompirma ni acting Philippine Coast Guard Cagayan de Oro District Commander Lt Junior Grade Kristine Indog na nasa tatlong passenger vessels ang nagkansela ng mga biyahe na mayroong rota tungo sa syudad ng Cebu,Iloilo City, Metro Manila at Batangas Port.
Nakisilong rin ang apat na cargo ships sa mas ligtas na lugar dahil sa mga malaking alon ng dagat.
Kaugnay nito, halos 200 pasahero ang stranded sa commercial port ng Cagayan de Oro dahil sa masamang lagay ng panahon dulot ng bagyo.
Bagamat walang mga pagbaha na naranasa ang buong rehiyon bago pa man nag-landfall ang bagyo subalit tig-apat na bayan ng Bukidnon at Misamis Oriental maging sa Misamis Occidental ay nagkansela ng klase mula primary hanggang tertiary dahil sa pangamba ng mga posibleng pagbaha.