CENTRAL MINDANAO-Nakubkob ng militar ang taguan ng mga armas at Improvised Explosive Device (IED) ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao Del Sur.
Ayon kay 601st Brigade Commander Colonel Oriel Pangcog na tumanggap ng impormasyon ang 6th Infantry (Redskin) Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Michael Glenn Manansala mula sa mga sibilyan sa tinatagong mga armas at bomba ng BIFF sa Barangay Pandi at Barangay Pindeten Datu Salibo Maguindanao Del Sur.
Agad pinasok ng 6th IB ang kuta ng BIFF na agad tumakas papasok ng Liguasan Delta.
Narekober ng Joint Task Force Central ang mga bomba at mga armas sa kuta ng mga terorista.
Pinuri naman ni 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major General Roy Galido ang mga sibilyan na nagbigay ng tip sa militar sa kuta ng mga rebelde.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagtugis ng JTFC laban sa BIFF sa Maguindanao.