Hindi makakaboto ng kanilang kongresista ang mga residente mula sa 10 barangay na kamakailan ay itinalaga ng SC bilang mga botante sa Taguig city para sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, hanggang sa kasalukuyan, hindi pa alam ng Comelec kung saan sa dalawang distrito ng Taguig kabilang ang mga bagong botante.
Ito ay dahil ang Kongreso ang may kapangyarihan na magsabi kung anong mga barangay ang kasama sa bawat distrito at hindi ang Comelec.
Ang mga apektadong botante ay nagmula sa barangay Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Northside at Southside.
Samantala, sinabi ni Garcia na papayagan pa rin ang mga botante na bumoto para sa national, mayoralty, vice mayoralty at city council positions.
Gayunpaman, kung may maipapasa na bagong batas na magpapawalang-bisa sa ikalawang distrito ng Makati at magtatatag ng ikatlong distrito sa Taguig, maaaring agad na maghanda ang Comelec ng bagong balota para ma-accommodate ang posibleng pagbabago.
Matatandaan, sa desisyon ng SC noong Abril 2023 ang Taguig na ang may hurisdiksyon sa 729-ektaryang Bonifacio Global City at 10 barangay sa ikalawang distrito ng Makati.