LEGAZPI CITY – Muling umapela ang Commission on Elections (COMELEC) Bicol sa mga kwalipikadong botante na magparehistro na habang maaga pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bicol Regional Elections supervisor Atty. Maria Juana Valeza, target ng tanggapan na maabot ang 235,000 na aplikasyon para sa voter’s registration.
Sa ngayon kasi, nasa 27% o higit 50,000 botante pa ang hinihintay na magparehistro.
Naiintindihan naman aniya ito ng tanggapan dahil sa COVID-19 pandemic subalit huwag na umanong hintayin pa ang deadline sa Setyembre 2021.
Nagsasagawa na rin ng malawakang information campaign ang Comelec habang may satellite registration na rin sa mga barangay upang hindi mahirapan ang mga magpaparehistro.
Maliban na lamang kung may nagpositibo sa COVID-19 sa barangay.
Pinalawig rin ang oras na mula sa alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 na ng hapon mula Martes hanggang Sabado.