-- Advertisements --

Pumalo na umano sa mahigit 1-milyon ang mga nagpaparehistro para sa national elections sa 2022.

Ngunit ayon kay Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon, mababa pa raw ang naturang bilang sa target nilang 4-milyong bagong registrants.

Batay sa inilahad na datos ni Guanzon, nasa 1.1-milyon na ang mga voter applicants as of January 14.

Ang Region 4-A ang nagtala ng pinakamalaking bilang ng mga aplikante na nasa mahigit 167,000, na sinundan ng Central Luzon na may mahigit 125,000, at Metro Manila na may mahigit 117,000.

Patuloy naman ang paghimok ng poll official sa publiko na magtungo sa mga Comelec offices sa kanilang lokalidad at magparehistro.

Kung maaalala, binuksang muli ng Comelec ang voter registration noong Setyembre maliban sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) o Modified ECQ.