Naniniwala ang isang boxing analyst na mahalaga umano ang papel ng mga boxing fans upang matuloy ang inaasam na rematch sa pagitan nina Sen. Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atty. Ed Tolentino na bukod kay Pacquiao, dapat ay i-pressure din ng mga tagahanga si Mayweather upang pilitin itong magbalik sa ibabaw ng boxing ring.
Binigyang-diin din ni Tolentino na kung talagang wala na sa boxing ang undefeated American boxer, hindi na dapat ito gumagawa pa ng eksena.
Kaya naniniwala ang beteranong analyst na hindi raw dapat maniwala ang publiko sa pahayag ni Mayweather na wala raw itong interes na muling makasagupa ang “Fighting Senator.”
“Ang pressure dito, kay Mayweather. Si Pacquiao, okay na eh, ready na [siya]. I-pressure si Mayweather at kung siya’y talagang hindi na interesado ay manahimik na siya. Ang dami niyang telltale signs eh,” ani Tolentino.
“Para sa akin ‘yung mga salita ni Mayweather, huwag po ninyong kakatigan sapagkat mayroon pong inconsistencies partikular sa kanyang mga aksyon.”