ROXAS CITY – Iniutos na ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagpapa-recall sa mga brand ng sukang may sangkap na synthetic acetic acid.
Ito ang kasunod ng pagpapalabas ng listahan ng ahensiya ng mga substandard na suka na napatunayang hindi pumasa sa kanilang quality standards dahil mayroong naturang kemikal.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Maria Angeles Guzman, regional supervisor ng FDA Regional Field Office-6, inihayag nito na bagama’t walang health risks ang sukang may sangkap na synthetic acetic acid ay ikinokonsidera pa rin itong substandard.
Dapat aniyang naturally-fermented ang suka at walang inihahalong anumang sangkap upang mapabilis ang fermentation nito.
Nabatid na base sa inilabas na listahan ng ahensiya, kabilang sa mga brand ng suka na nagtataglay ng naturang kemikal ay ang Surebuy Cane Vinegar, Tentay Pinoy Style Vinegar, Tentay Premium Vinegar, Tentay Vinegar ‘Sukang Tunay Asim’ at Chef’s Flavor Vinegar.