Masigabong palakpakan ang tumanggap sa mga bumbero mula Estados Unidos na nagtungo sa Australia pang tumulong sa pag-apula ng apoy sa kagubatan ng nasabing bansa.
Sa ibinahaging video ni Commissioner Shane Fitzsimmong ng New South Wales Rural Fire Service, makikita rito ang mainit na pagtanggap ng mga pasahero na nasa paliparan nang makita nila ang grupo ng mga bumbero.
Hindi naman naitago ni Autumn Synder, asawa ng isa sa mga bumbero, ang saya na naramdaman nang makita nitong tila isang bayani ang tingin sa kaniyang asawa na si Sean Synder.
Si Sean Synder ay assistant fire management officer ng US Forest Service sa Talladega, Alabama. Nag-volunteer ito sa loob ng 30 araw upang tumulong na patayin ang lumalalang apoy sa kagubatan ng New South Wales.
Naging mahirap naman daw para kay Autumn ang ginawang ito ng kaniyang asawa. Aniya, hindi raw siya mapakali kaiisip kung nasa mabuting kalagayan ang kaniyang kabiyak.
“We are a public service family and believe in doing all the good we can. We are super proud of the work he is doing over there ” saad ni Autumn.
Ayon sa Forest Service, halos 15 taon nang nagpapadala ang Australia at New Zealand ng mga bumbero sa Amerika upang tumulong sa kahit anong sakuna.
Umabot na sa 7.3 milyong ektarya ng kagubatan ang nilamon ng sunog sa Australia. Ito ay katumbas ng anim na estado o mas malaki pa sa lupain ng Belgium at Denmark.