CENTRAL MINDANAO-Ipinagpasalamat ng dalawampung buntis sa bayan ng Kabacan Cotabato ang kaunting kaloob ni ABC President Evangeline Pascua-Guzman upang makabili ng karagdagang bitamina sa kanilang pagbubuntis.
Ang mga nasabing buntis ay dumalo sa pagtatapos ng Buwan ng Nutrisyon sa bayan.
Ayon kay ABC Guzman, batid nito ang hirap ng pagbubuntis lalo’t limang beses itong nagdalang tao. Kung kaya sana umano ay may malaking maitutulong ang kaunting pambili ng bitamina.
Samantala, abot na sa 8,153 ang kabuuan ng isinagawang pagbabakuna sa bayan ng Kabacan.
Lubos ang naging pasasalamat ni Kabacan Mayor Herlo P. Guzman, Jr. sa publiko lalo’t nakikiisa ang mga ito sa panawagan ng pamahalaan na magpabakuna kontra covid-19.
Ipinaabot din nito ang pasasalamat sa mga front liners na patuloy sa kanilang gawain ganoon din sa Association of Barangay President sa tulong na mabigyan ng impormasyon sa kani-kanilang nasasakupan.
Inaasahan naman na madaragdan pa ang dami ng bakunado sa bayan matapos ang isasagawang pagbabakuna ngayong August 4-6, 2021.