-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kailangang sumunod sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang mga negosyante bago makapagbukas ng kanilang establisyemento sa Boracay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Fire S/Insp. Lorna Parcellano, hepe ng Malay Fire Station sa Boracay, sinabi nito na kailangan munang kumuha ng certificate to operate sa Department of Tourism (DOT) ang mga resort, hotel at restaurant owners.

Ayon kay Parcellano, may composite team ang DOT na nagsasagawa ng inspection kung saan kailangang sumunod sa quarantine protocol ang bawat establisyemento.

Maliban dito, nararapat rin na may permit mula sa Bureau of Fire Protection ang establisyemento upang matiyak na walang mangyayaring sunog lalo na at kilala ang Boracay sa mga masasarap na kainan.

Napag-alaman na wala pang naitalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa nasabing isla.