Sasamantalahin umano ni Sen. Manny Pacquiao ang nakita nitong mga butas sa istilo ni Keith Thurman sa nakalipas nitong mga laban.
Pag-aamin ni Pacquiao, pinanood daw nito ang naging unification bout ni Thurman kontra sa dati ring walang talo na si Danny Garcia noong 2017 kung saan nagwagi ito sa pamamagitan ng split decision.
Sa kanyang pagsusuri, nasa dalawa raw na kahinaan ang nakita nito kay Thurman na kanya raw gagamitin upang burahin ang malinis na record ng undefeated American boxer.
Duda rin daw ang Pinoy ring icon kung mangyayari raw ang pinagmamayabang ni Thurman na makikipagsabayan daw ito sa kanya.
Sa kabila rin ng mga patutsada ni Thurman, iginiit ni Pacquiao na 100% handa na raw ito sa kanilang fight night sa Linggo.
“What I can see in my training camp, we did a lot, we did our best in training. I believe we are ready, 100% condition, physically, mentally, and most of all, spiritually,” wika ni Pacquiao.
“And I’m sure my opponent worked hard, trained hard for Saturday, so I am expecting a good fight,” dagdag nito.
Samantala, sinabi ng boxing analyst na si Atty. Ed Tolentino sa panayam ng Bombo Radyo, dapat din umanong samantalahin ng Fighting Senator ang maluwag na depensa at pagiging mabagal ni Thurman sa pamamamagitan ng bilis at pagpapaulan ng body shots.
“Si Pacquiao, pressure fighter ‘yan [at] pumapasok [sa] maraming anggulo. Alam natin matutuliro si Thurman because he has never seen a fighter like Pacquiao who bounces from one part of the ring to another,” ani Tolentino.