-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Mahigpit ang pagbabantay ng Department of Agriculture (DA)-Region 2 sa mga checkpoint upang hindi makapasok ang African swine fever (ASF) sa rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Technical Director for Operations and Extension Roberto Busania ng DA-Region 2, lalo pa nilang hinigpitan ang mga checkpoint sa Santa Fe at Kayapa, Nueva Vizcaya; maging sa Maddela, Quirino upang hindi makapasok ang ASF sa rehiyon.

Nagpaalala ang DA-Region 2 sa mga nag-aalaga ng baboy na obserbahan ang mga sintomas ng ASF tulad ng lagnat, ubo, paglabas ng likido sa mata o ilong, at nagdudumi o diarrhea.

Malaking dagok aniya sa mga magsasaka at mga nasa pork industry kapag nakapasok sa bansa ang ASF kaya’t kailangan ang mahigpit na pagbabantay sa mga checkpoint pa lamang.