KALIBO, Aklan – Nangunguna pa rin sa mga turistang bumisita sa isla ng Boracay sa unang limang buwan ng taon ay mga Chinese at Koreano.
Batay sa inilabas na datos ng Malay Municipal Tourism Office, ito ay nasa 79% ng kabuuang international tourist arrivals.
Simula Enero hanggang Mayo, pinakamalaking contributor ng outbound visitors ang mga Chinese tourist na may 218,161.
Sinundan ito ng 160,973 na Korean, pangatlo ang mga Amerikano na may 12,424 arrivals habang pang-apat ang Taiwanese na may 10,953 at Russians na may 6,614.
Kabuuang 480,856 ang naitalang foreign tourist arrivals na tumaas ng 12% kumpara sa 430,785 sa kaparehong period noong nakaraang taon.
Bumaba naman ng 10% ang bilang ng mga Pinoy na bumisita sa isla simula noong Enero hanggang Mayo 2019 na umabot lamang sa 443,182 kumpara sa 493,159 noong 2018.
Simula noong Hunyo 4, nakatala ng 358 na accommodation establishments na may 12,952 rooms ang pinayagan na makapag-operate ng Boracay Inter-Agency Task Force.