Nasabat ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mahigit sa 200 kahon at plastic bags ng mga Chinese medicines at medical supplies nitong Sabado ng madaling araw sa bahagi ng Brgy. Baclaran, lungsod ng Parañaque.
Sa pahayag ng NCRPO, matapos nilang makatanggap ng ulat ukol sa iligal na mga aktibidad sa lugar, naglunsad na sila ng operasyon sa ikalawang palapag ng Diamond Bay Tower dakong alas-12:10 ng hatinggabi kanina.
Natuklasan ng mga operatiba mula sa Paranaque Intelligence Unit, City Health Office, at Business Permit and Licensing Office na nag-ooperate ang isang Chinese clinic na walang business permit.
Nasa humigit-kumulang 237 kahon at plastic bags ng hindi pa tukoy na mga gamot at medical supplies na umano’y ginagamit bilang lunas sa COVID-19 ang nakumpiska ng mga otoridad.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng NCRPO ang pagkakakilanlan ng mga may-ari at operators ng naturang klinika.
Hinimok naman ni NCRPO chief, PMGen. Debold Sinas ang publiko na makipag-ugnayan sa kanila para sa ikahuhuli ng mga nagpapatakbo sa iligal na establisimento.
“Covid 19 is a deadly pathogen, therefore, patients must be attended and treated by professional doctors and nurses. Similar illegally operating clinics must be immediately reported to the authorities. In line with this, we encourage the public to coordinate with the nearest police station for any information that they may give with an assurance that their identity will be highly confidential,” wika ni Sinas.