(Update) Nakakulong na sa detention facility ang apat na suspek na inaresto sa buy bust operations sa Alabang, Muntinlupa City.
Tatlo sa mga nadakip ay pawang Chinese national na sina Chua Kian Kok, 43; Go Kei Kei, 40; Li Zhao Yang, 19; at Emmanuel Pascual, 79.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Dir. Gen. Aaron Aquino, aalamin nila kung konektado ang mga suspek sa mga nahuli nila sa Cavite kamakailan.
Iniimbestigahan na rin sa ngayon ang may-ari ng bahay na inupahan ng mga suspek sa Ayala, Alabang Village na siyang sinasabing imbakan ng iligal na droga.
Hindi na rin daw nagtaka ang PDEA na nagtatago sa mga high end na lugar ang mga sindikato upang hindi kaagad matunton ng mga operatiba.
Pero bago umano ito ay nagsagawa na nang pakikipag-ugnayan ang PDEA
sa mga subdivision na high end para ma-detect ang kahinahinalang bagong
lipat sa kanilang mga lugar.
Sinabi pa ni Aquino na miyembro ang mga suspek ng sindikatong “Golden Triangle” na nakabase sa mainland China.
Una rito, ang mga nasabat na droga ay naka-vacuum-pack sa pambalot ng tsaa at isinilid sa mga lata ng biskwit.
Naniniwala ang PDEA chief na posibleng ipinuslit sa karagatan ang mga kontrabando.
Nakumpiska sa mga ito ang nasa 166 kilos na hinihinalaang shabu na may market value na P1.1 billion.