-- Advertisements --

DAGUPAN CITY –Mahaharap sa patung-patong na kaso ang mga chinese nationals na nasa likod ng operasyon ng na-raid na bodega na mga pekeng sigarilyo at revenue stamps sa Brgy. Bacag, Villasis.

Ito ang nabatid sa exclusive interview kay P/Maj. Fernando Fernandez Jr., Chief of Police ng Villasis PNP, sa nagpapatuloy na pagtutok ng Bombo Radyo Dagupan sa naturang usapin.

Aniya, sa panig ng PNP, nakapagsampa na sila ng kasong falsification of public documents dahil sa mga nakumpiskang pekeng mga revenue stamps.

Habang may hiwalay din aniyang apat na kasong isinampa ang panig ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Region 1 sa dalawang Chinese national na nahuling nasa bodega noong isagawa ang operasyon ganundin ang isang tumatayong boss ng mga nahuli na hanggang sa ngayon ay at-large parin.

Samantala, ang mga makinang nakumpiska na ginagamit sa paggawa ng mga pekeng stamps at pakete ng mga sigarilyo ay kasalukuyang ibinabyahe sa Porac, Pampanga, kung saan ito nakatakdang sirain ng BIR at PNP.

Matatandaan na noong Setiembre 4, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng PNP Pangasinan, PNP Villasis at BIR Region 1 ang warehouse o bodega sa naturang lugar kung saan nakumpiska ang tinatayang nasa bilyong halaga ng makinarya na sa nag-iimprenta ng pekeng revenue stamp, milyung-milyong pekeng sigarilyo at naaresto ang dalawang Chinese nationals at limang Pilipinong mula pa sa lungsod ng Dapitan, sa lalawigan ng Zamboanga Del Norte.