-- Advertisements --

Ibinunyag ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky noong Martes na may mga Chinese na nagtatrabaho sa isang pabrika ng drone sa Russia, at iginiit na posibleng nakuha ng Moscow ang drone technology mula sa China nang hindi alam o walang pahintulot ng Beijing.

Sa isang press conference sa Kyiv, sinabi ni Zelensky na iniimbestigahan na ng Ukraine ang posibilidad na “ninakaw” ng Russia ang teknolohiya o nakipagkasundo ito sa mga Chinese nationals na hindi awtorisado ng kanilang pamahalaan.

Ang pahayag ay kasunod ng nauna niyang akusasyon na direktang nagbibigay umano ang China ng armas sa Russia na mariin namang itinanggi ng Beijing.

Iniutos din ni Zelensky sa Security Service of Ukraine (SBU) na ihatid ang mas detalyadong impormasyon sa China tungkol sa pagkakasangkot ng mga Chinese nationals sa drone production site sa Russia.

Magugunita na lumalalim ang tensyon sa pagitan ng Kyiv at Beijing, kasunod ng mga paratang ng Ukraine laban sa China kung saan sinabi rin ni Zelensky na ni-recruit umano ng Russia ang mga Chinese citizens sa pamamagitan ng social media upang lumaban sa kanilang panig.

Tugon ng China na itigil na ng Ukraine ang mga “iresponsableng mga pahayag” at iginiit ang suporta nito sa kapayapaan. Gayunpaman, wala pang opisyal na tugon mula sa China at Russia ukol sa pinakahuling pahayag ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky.